Movie Review: A Very Special Love

0
Your rating: None

Cast:

John Lloyd Cruz, Sarah Geronimo,
Dante Rivero, Rowell Santiago,
Irma Adlawan, Al Tantay,
Matet de Leon

Story and Screenplay by: Raz Sobida dela Torre
Producer: Star Cinema Productions, VIVA Films
GP, 1 hr 50 mins
Director: Cathy Garcia-Molina

 

Young, spirited, positive thinker si Laida (Sara Geronimo). Mamamasukan siya bilang editorial assistant sa magazine na The Bachelor, n pagmamay-ari ni Miggy Montenegro (John Lloyd Cruz) na isang mayaman, gwapo pero ubod ng sungit na boss. Slave driver, sobrang seryoso at hindi marunong ngumiti. Unang tingin pa lang, hindi na sila compatible. Paningin pa lang sa buhay, langit at lupa na ang layo. Pero dahil na rin sa kagustuhang tumulong financially sa pamilya, plus the fact na super crush niya si Miggy, titiisin ni Laida ang lahat-- kahit na ba hindi niya masamahan ang nanay niya sa birthday nito para asikasuhin si Miggy nang magka-lagnat ito. Dahil na rin sa pagiging totoo at makulit ni Laida, hindi maiiwasan ni Miggy na ma-attact dito. For the first time, may isang taong hindi takot sumagot sa kanya, hindi takot mag-voice out ng opinions, hindi nangingiming mag-suggest. Hanggang sa umabot ang attraction sa isang loving relationship--- isang relationship na makakapagpabago hindi lamang sa mga sinusulat ni Miggy bilang editor ng kanyang magazine, kundi pati na rin ng pakikitungo niya sa kanyang staff, at maging sa kanyang pamilya.
 
Typical pero aliw. Pang-masa pero matino. Formula pero may mga in-offer din na bago. May corny moments pero understandably necessary. The usual pero nakaka-carried away pa rin.

Yan ang masasabi ko about this John Lloyd movie with his ka-loveteam, Sara. I was asked by someone kung kamusta daw in a nutshell. Ayaw ng taong nagtanong sa akin ng mahabang sagot, so ang sinagot ko, “aliw.” Pag sinabing aliw ang isang pelikula, o tv show, o play, ok na yun. Positive comment na yun. Pero siyempre, marami pa rin akong napansin sa pelikulang ito kaya hindi ako magkasya sa “aliw.”

Unang-una na ang good comedic timing ni Sara. Para sa isang nagsimulang singer, kahanga-hanga ang acting talent ni Sara. May mga ibang singer na nagpapatawa pero hindi nakakatawa. In fact, may mga comedian kuno na nagpapatawa pero halos hindi mo matingnan ang tv or movie screen dahil ikaw ang nahihiya sa ginagawa niya. Pero kay Sara, once again, aliw. Wala siyang pakialam sa poise. Wala siyang pakialam sa kung malukot man ang mukha niya at hindi siya magmukhang maganda onscreen. Todo-bigay kung todo-bigay. Although there were moments na her acting reminds me of Juday’s kapag kinikilig si Juday sa mga eksena niya with Piolo sa previous movies nila--- pero kebs lang. Cute pa rin panoorin. Bagay din kay Sara ang role niya ditong middle class na may crush mula sa high society. Kikay, naïve, dalaginding. Ang mga lines niyang “Maniwala tayo sa goodness” na kinaiinisan namang marinig ng character ni John Lloyd ay typical kung gaano ka-naïve si Laida sa harshness ng mundo.

Si Miggy naman ay ang kumakatawan sa mga boss na walang puso. Siya yung tipong short notice kung magpatawag ng meeting, at kahit nailatag na’t pinaghirapan na ng staff ang trabaho, kung hindi niya feel, sasabihin niyang “scrap that!” na para bang walang saysay ang pinagpawisa’t pinagtrabahuhan ng mga tauhan niya.

Isa rin sa napansin ko sa characterization ng mga officemates ni Laida, ambabait nila! Parang wala pa akong napuntahang grupo, whether in the corporate world or simpleng barkadahan, na walang ni isang taong nanlait o nainggit o nanira sa bagong pasok. May nang-discourage, pero out of concern pa rin. New kid on the block si Laida nang bagong hired siya ni Miggy. And yet, sobrang welcome at binibigyan pa siya ng advice ng mga officemates niya, headed by Zoila (Matet). Unless sinadya ng writer na huwag nang maglagay ng kontrabida dahil si Miggy pa lang ay saksakan na ng sungit at kunsumisyon. On the other hand, nagustuhan ko that for a change, hindi manhid ang mga officemates ni Laida sa fact na crush niya ang boss Miggy nila. Not once had I seen Pinoy movies na parang hindi nag-iisip ang mga tao sa paligid at hindi nila napapansin ang mga pinagdadaanan ng bida. In this movie, smart naman sina Zoila, etc.

Speaking of Matet, hindi man siya gaanong napagkikita sa mga regular shows ngayon sa telebisyon, I can say na funny pa rin siya. Magaling pa rin magbitiw ng lines. May timing. May kagat. Kahit one liner lang, effective pa rin. Kahit nga facial expression pa lang niya, akting na akting na. Isa pang kahanga-hanga at walang kupas ang acting sa pelikulang ito ay si Dante Rivero, na gumanap na ama ni John Lloyd. Matang-mata pa lang, umaapaw na ang emotion. Kahit hindi magsalita, alam mo ang gusto niyang sabihin. During the first half of the movie, parang nanghihinayang ako na hindi siya masyadong na-maximize, ang konti kasi ng mga eksena siya. Pero nang kalaunan, ayun, nag-moment na. Nagbitiw ng mga linyang nakakaantig. Magaling pa rin. Epektibo pa rin. Hindi nagkamali ang Star Cinema sa pagkuha sa kanya sa role na ito.

May ilang bagay na nakaka-jolt sa pelikula though. Isang sosyal na bachelor si Miggy. Kumbaga sa tunay na buhay, siya yung tipo ng lalaking hindi nanonood ng local channels, walang kilala sa local loveteams, walang alam sa local pop culture. Metrosexual, high-end restaurants lang ang kinakainan. Pero nang mapilit siyang kumanta sa videoke sa isang binyagan, kumanta siya ng “Kailan.” Sabi ko sa sarili ko, at memorize talaga niya, ha? Ok, may lyrics sa videoke screen, pero alam talaga niya ang tono. Nagtu-tune in din ba siya sa FM stations? Eh ang portrayal sa character niya, super busy siya, ngarag sa trabaho, pressured ng alta sociedad niyang pamilya--- may time pa siyang mag-memorize ng mga kanta? Ok, I’m sure nilagay ito for kilig’s sake. Mapapalampas naman… nabanggit ko lang.

Hindi ko rin gusto ang hair do ni Laida. Hindi ko maintindihan ang direksyon ng curls niya. Naiintindihan kong naïve siya kaya siguro pati sa fashion statement ay wala siyang kamuwang-muwang. Pero sa eksenang na-make over na siya at naka-slow mo pa ang pagbaba niya from the van, from her legs up ang shot... hmm… hindi pa rin maganda ang hair niya. Parang laging bad hair day ang drama niya.

Let me mention though na marami ring magagandang linya sa pelikula. Isa na rito ang sinabi ni Miggy on the night of the grand launch ng anniversary issue ng magazine nila, “You’ve worked hard for this night. Pero ako, I’ve been working hard all my life. Pati nga pangalan ko, kelangan ko pang pagtrabahuhan.” Malaman at may kurot ang linyang ito dahil isang illegitimate son si Miggy. Nagustuhan ko rin ang gimik ng scriptwriter nang mag-sorry si Miggy kay Laida. May dumaang isang malaking trak na may nakasulat na “I’m Sorry” at tumutugtog sa banda ang mga officemates niya. Paglampas ng trak, andun si Miggy at kumakanta ng, yes, you guessed it, “Kailan.” Para sa akin na nakapagsulat na rin ng mahigit-kumulang isandaang pangkilig na eksena, nakakakilig pa rin itong eksenang ito nina Miggy at Laida. Formula kung formula pero maganda pa rin ang pagkaka-direct. Hindi nakakainis. Kung napapa-cr ka, pipigilan mo. At syempre, in the middle of Miggy apologizing, umulan! Isa na namang pormula na ilang beses na nating napanood… pero ok lang. Maganda pa rin ang kinalabasan. Ganun naman ata talaga, mapa-Pinoy o Koreano o Hollywood na love story, mas kilig kapag may rain effect. Pero unlike other romance flicks, hindi nag-kiss on the lips ang ating mga bida. Hug lang, kiss sa cheeks. I’m guessing ayaw pa ni Sara ng kissing scene?

All in all, masaya ang pelikulang ito. Masaya ang mga nanood, pumalakpak pa nga sila nang mag-roll na ang closing credits. Hindi ko na-feel na nasayang ang pinambayad ko. In short, aliw. ?

 

a very special love,a very special love the movie,sarah geronimo as laida,john lloyd cruz as miggy,miggy,laida,raz sobida dela torre