Ondoy
Printer-friendly version
Send to friend
PDF version
Nung Sept. 26, Sabado ng umaga, wala akong kaalam-alam kung ano na ang ginagawa ni Ondoy sa Kamaynilaan. Oo nga’t walang tigil ang ulan mula noong nakaraang gabi, pero hindi naman ganun kalakas, kaya akala ko, wala lang. Nagka-brownout sa condo ng mga alas-onse, kaya nakinig lang ako ng ipod ko at hinintay na magka-ilaw uli. Siguro naman, maya-maya, meron na, naisip ko.
Nagising si housemate Noringai sa tawag ng isa naming kaibigan, baha raw sa Crossing, hanggang baywang. Di kami makapaniwala… pero hindi pa rin namin gets kung ano na ang nangyayari sa labas.
Alas-dose yata nung nakatanggap ako ng text na Nanay ko. “Bumabaha na rito.” Hindi gumagana ang PABX system, kaya sa cellphone ako tumawag. Nasa may garahe na raw ang tubig kaya nagtataas na sila ng gamit. Sabay baba ng telepono. Naisip kong tawagan ang kaibigan kong si Pauline dahil nakatira siya sa kabilang village. Hindi raw siya makapasok sa trabaho dahil wala siyang madaanan, mapa-Evacom o pa-Coastal o ano man. To think, Revo ang sasakyan niya. Pero sabi nung gasoline boy sa Petron nung nagpa-karga siya, bumaba na ng bahagya yung tubig sa labas ng village namin, kaya medyo nakampante naman ako. Gayunpaman, nagtext pa rin ako sa mga kaibigan na ipag-pray ang mga magulang ko. Kung baha sa Crossing at baha ang dadaanan palabas ng Coastal, wala rin akong paraan para puntahan sila... lalo na’t wala naman akong sariling sasakyan.
Minsan nang nabaha ang bahay ng mga magulang ko. Sa isang banda, buti na nga rin yon kasi may idea na ang magulang ko sa dapat gawin. Sa susunod kong tawag, sagot lang ng Nanay ko, “aalis na kami dito!” sabay bagsak uli ng telepono. Walang impormasyon kung pumasok na ang tubig sa bahay kaya naisip nilang lumikas na. At saan sila pupunta? Kung hindi ka ba naman ma-tense…
Inassume ko na lang na sa bahay sa tapat sila pupunta, dahil yun ang ginawa namin noon. May second floor ang kapitbahay na yon, kaya safe doon. Inisip ko rin ang sinabi ni Pauline, na bumaba na naman ang tubig sa labas ng village. At naayos na ang perimeter wall ng village, kaya magpakawala man ng tubig sa Cavite, hindi na dapat ganun kalala yung baha tulad ng dati.
Pagkatapos ng ilang oras, nakumpirma kong hindi pinasok ng baha ang bahay ng mga magulang ko. Nakahinga na ako ng maluwag. By then, naglabas na kami ni housemate Nicoy ng foldable table sa corridor ng condo dahil dun lang gumagana ang electrical outlet kaya dun lang kami pwedeng magbukas ng mga laptop. Nag-Globe Viz para makasagap ng balita sa internet. Maraming kaibigan si Nicoy na nakapag-Facebook pa, at naiyak na lang siya habang kinukwento ang mga nabasa niya, tungkol sa mga taong sumampa na sa mga bubong ng bahay nila’t naghihintay ng rescue… yung iba, inabot pati 2nd floor nila.
Sa sumunod na mga araw, dun lang unti-unting nagkaalalaman kung ano ang ginawa ni Ondoy sa Marikina, Pasig, Cainta at Laguna. Pero kailangang pumasok ng trabaho. Nag-ayos ng presentation na ipapakita sa mga boss. Nagdonate. Sinubukang magtawag ng tao para malaman kung safe ang pamilya ng kaibigang nasa Japan hanggang sa nagkausap na sila. Gawa uli ng trabaho habang nakakaramdam ng kaba dahil nasa balita nang may parating uli na bagyo, si Pepeng. Supertyphoon daw siya.
Nagpunta sa dentista sa QC dahil no choice na, may nararamdaman na talagang sakit. Lumakas na ang hangin at dumilim na ang paligid. ’Wag na raw ako umuwi, sabi ng ina, baka ma-stranded pa ako sa daan. Nagdasal na ’wag rumagasa ang parating na bagyong Pepeng sa mga lugar na binaha na ni Ondoy.
Nung kinaumagahan, halos hindi naramdaman si Pepeng sa Kamaynilaan. Praise God, lumihis si Pepeng at umiwas sa mga lugar na nagre-recover pa. Naghintay ng anunsyo kung matutuloy o hindi ang isang importanteng event sa trabaho. Natuloy naman. Naging masaya naman para sa mga taong nakarating. Unti-unting balik sa dati ang buhay.


